Sensitib

Sobrang bihira ko nang gamitin ang Facebook account ko. Maliban sa pagpo-post ng mga kuha ng adventures namin ng pamilya ko para rin may kopya sila at sa minsanang pagch-check ko ng mga grupo ng mga business owners na inaantabayanan ko, hindi na ako masyadong aktibo dito.

Di gaya nung nasa kolehiyo pa ako o hayskul (nung Friendster pa ang uso) na lahat ng kaibigan ko binubulabog ko ng komento o na nagpopost ako ng mga pasaring na linya na kunyari tungkol sa homework pero lovelife naman pala ang tinutumbok. Ika nga ngayon, hugot lines. Natatawa na lang ako kapag naiisip kong dumaan rin pala ako sa ganung phase.

Sobrang laki na ng pinagbago ng social media community sa panahon ngayon kung ikukumpara noon. Yehesss ang tanda ko na pala para maikumpara yung panahon na wala pang SNS (kung tutuusin naabutan ko rin ata yung panahon na wala pa yung SMS haha) sa panahon ngayon. Napakapangyarihan na nito ngayon.

May gawin ka lang mali at natyempuhang may telepono ang nakabanggaan mo, panigurado, kukuyugin ka na ng sambayanan online. Para bang yung slut-shaming nung panahon ni Hesus na minsang bumiktima kay Maria Magdalena, babatuhin ka ng bato hanggang mamatay ka. Medyo mild lang tong atin ngayon pero ganon pa rin epekto, kahihiyan at kawalang-puri. Nakokondena ka ng di oras.

Siguro sa mga abusadong tao na makapal pa sa kalyo ng kalabaw ang mukha o sa mga pagkakataong wala nang ibang paraan para maisuplong yung nang-aapi, makatarungan siya, pero kung yung mga one time, bigtime HONEST MISTAKES na walang intensyong makapanakit at tumapak sa pagkatao ng kapwa, makatarungan pa rin bang masasabi ang online shaming? Napakahirap ngang magkamali online sa panahon ngayon. Kahit saan, may mapaghusgang mga matang nakabantay sa konting pagkakamali mo. Kaya hindi rin maiiwasan na madalas nagiging mapagpanggap na ang mga tao, ingat na ingat sa bawat kilos at salita para hindi mahusgahan at mapagkaisahan. Pero minsan kahit anong gawin mo, meron at merong masasabing panget ang tao.

f3439b5b2a2e673d1fc0a1848792b486.jpg

 

Madalas na rin tayong makarinig ng mga taong sumuko na at pinagbubura na lang yung accounts nila dahil na rin sa taglay ng SNS na “superpower” na sirain ang isang tao. Kahit nga mga artista sa Hollywood, hindi umuubra dahil konting kibot lang nila, ang daming nasasabi ng mga fans nila na may kapangyarihang magbagong-anyo dahil bashers pala talaga, pero madalas ngayon, mas madami pa yung negatibo kesa sa magagandang komentong makikita mo.

Naalala ko yung isang panayam kay Sarah Jessica Parker kamakailan lang, nung sinabi niyang matagal na siyang tumigil sa Twitter kasi hindi daw niya makayanan yung mga pananalitang gamit ng mga kababaihan laban sa kapwa nila babae.

Ang problema kasi sa kasalukuyang panahon, kahit sa mga henerasyon ng mga magulang ko, nakikita ko yung kagustuhan na laging magpasiklab pero ang mali yung pakiramdam na hindi sila pwedeng mahigitan ng iba. Naiintindihan ko naman yung gustong ipakita sa mundo yung mga tagumpay nila sa karera o mga lugar na napuntahan kasi normal lang yun. Pero yung magpapayabangan pa sa mga komento, paninirang puri o paghahanap mo ng kamalian sa tao, dala siguro ng inggit o ng mga pinagdadaanan sa buhay o mga pansariling isyu yung nagiging problema.

Natawa na lang kami ng pinsan ko nung minsang makita namin yung dalawang mas nakatatanda sa amin na parang teens lang kung magpasiklaban sa Facebook. Ganon na ba talaga ang mundo ngayon?

Sa sobrang “advanced” kasi ng teknolohiya ngayon, napakabilis mo nang masabi yung gusto mo kahit pa nasaang bundok ng tralala ka naroroon o kahit nagbabawas ka pa sa banyo. Minsan rin hindi na napag-iisipan ng tao yung sinasabi nila, basta mauna lang sila mag-like o magkomento masaya na sila.

Pero meron rin namang mga hindi mo mawari kung paanong paraan pinag-isipan yung sasabihin. Yung tipong singsakit ng kagat ng langgam na ang sakit na nga ng pagkakakagat, pero parang may “stinger” pang natira sa balat mo kaya ang tagal mawala. Maliit lang yung kagat pero di mawala-wala. Sa madaling sabi, simple lang yung pananalita pero sobrang parang medyo may pagka-matalas.

Kahapon nasupalpal ako ng di oras ng isang dating malapit na kaibigan nung nag-post ako ng kontrobersyal (chos!) na bidyo na di ko napansing may mali pala. Honest mistake nga kung tutuusin. Pero habang iniisip ko ngayon buti na lang rin naagapan kung hindi, laman na rin siguro ako ng balita ngayon. Blessing in disguise na rin siguro? Minsan yung pagka-praning ko abot hanggang langit pero malay natin diba? Ang balita ngayon kakaiba na ang pakpak.

At naagapan yun dahil sa komento nitong dating ka-close na kaibigan. Kung hindi ko na palalakihin pa, pwedeng concerned lang talaga si friend sa akin, pero kung magaling ka kumilatis ng pananalita, a.k.a. praning, tulad ko at ng kabarkada kong si JC (yehes parang fashion pulis lang ang peg) na minsan nahahawaan ko ng ka-praningan ko, maiisip mo talagang may laman yung mga salita nya. Di ko alam kung wala lang siyang paki sa masasaktan nya basta maipamukha lang nyang magaling sya o tulad ng sabi ng kaibigan ko na baka may isyu sa sarili ngayon o baka nagiging “territorial” si ateng. Hindi ko lang nagustuhan yung paraan ng pag-atake niya kasi kulang na lang bigyan nya ako ng ticket. Ang dami lang niyang sinabi samantalang matagal ko na rin naman siyang hindi nararamdaman online. Tagal na naming di nag-uusap tapos bigla bigla may pag-atakeng nagaganap?

Mali ako, pero hindi naman siguro kailangan tapakan at ikuskos yung mukha ko sa lupa. Chill ka lang friend! On her defense, may pagka-prangka at maloko siyang tao pero siguro mas na-appreciate ko yung concern kung sinabi na lang niya sa pribadong paraan or siguro kung hindi ganon ka-harsh at yabang nung dating niya. Napakababa lalo ng tingin ko sa sarili ko ngayon at sobrang dinamdam ko siya buong araw kahapon.

**Kung mabasa mo man to, hindi to kung anumang personal na pag-atake sayo  (kasi alam ko paano pakiramdam non), opinyon ko lang to sa nagawa mo at therapeutic lang talaga sa akin ang pagsulat sa blog na to bukod sa pagkausap sa mga taong malapit sakin.

Pero syempre ikaw lang nakakaalam ng motibo mo para pagsabihan ako ng ganon sa harap ng pamilya at iba ko pang mga kaibigan na maaaring nakabasa ng sinabi mo. Masaya ka ba na ang know-it-all ng dating mo o nagpakamataas ka sa page ko? Nasa tama ka, may point ka, gets ko yun. Natauhan ako at salamat ng marami sa pagpapaalala pero sana next time, ayusin rin tono ng pananalita at tanggalin ang ere. Kahit kailan hindi ko ma-tolerate yung mga taong may angking hangin at sa pagkakakilala ko sayo, alam kong ayaw mo rin ng mga taong ganon. Gusto ko man ikaw kausapin, hindi na rin tayo malapit para sa ganung klase ng komprontasyon at sabi nga nila maliit na bagay lang to pero bilang blog ko to, pinalaki ko pa rin pala. Chos!

Siguro ganito lang yun, kung ilalagay mo ba sarili mo sa posisyon ko, at nagkomento ako ng ganon, tingin mo ba mas ma-t-touch ka sa concern ko o mapapahiya ka lang rin sa sinabi ko? Concerned ka ba talaga o isa ka lang sa mga gusto magpasikat? Ikinataas mo ba yun?

Siguro paalala rin na na maghinay-hinay sa pananalita kasi hindi natin alam yung pinagdadaanan ng mga taong nakakasalamuha natin at hindi rin natin alam ano yung dating ng mga salita natin kasi iba-iba ang personalidad ng tao. Sobrang SENSITIB na kasi ako ngayon. Yun lang pala. Haha. May pait pa rin sakin noh pero mawawala rin naman to. Mas magaan na rin naman pakiramdam ko ngayon.

Kagabi rin nakausap ko yung isa ko pang kaibigan na matagal nang walang Facebook account na si JM (O diba puro kayo J). Minsan na rin siyang naging paranoid dahil sa paggamit ng naturang SNS. Sabi niya sakin, and I quote, echos! Sabi lang nya na hindi lang rin niya kinaya yung paggamit ng iba sa Facebook upang iparating sa pamamaraang immature yung mga pasaring at pagpaparinig nila sa mga kaaway o mga kinaiinisan. Aminin ko minsan ko na rin tong ginawa at mas madali itong gawin kesa diretsuhin na lang yung pinariringgan (parang ngayon lang?) o parang may feeling of satisfaction ka kapag nagawa mo kasi ang lakas makapagpa-praning ng ganitong tactic eh. Mga babae talaga. Daming alam na schemes. TSK TSK! Pero matagal ko nang natutunang hindi ito maganda lalo na kung nakakasira ka na ng emosyonal at sikolohikal na estado ng isang tao. Ang hirap mag-translate ah!

Hindi maikakaila na na-trauma itong kaibigan ko pero ang nakakabilib eh yung kaya naman pala ng taong mabuhay ng walang Facebook account. Sa panahong ultimo business transactions and announcements sa trabaho eh sa FB na pinapadaan, posible pa rin palang maka-survive kasi totoo may iba pa namang mga apps gaya ng messaging services na pwedeng gamitin upang di mahuli sa balita.

Dahil dyan, tuluyan ko nang idedelete ang FB account ko. Haha. Yun lang pala yung punto ng lahat ng to.

Pinag-iisipan ko yung tip ni friend, JC na maglinis na lang ng account ko at mag-unfriend na ng mga taong maaaring hindi naman na kaibigan ang turing sakin o nung mga nakakapag-trigger lang ng negative emotions sa akin. Sabi niya, based from experience eh kung magkaibigan kayo, eventually the universe will find a way to bring you back together at take note, applicable rin ito sa lovelife haha. Balak ko na rin maglinis ng Instagram accounts ko at salubungin ang 2017 na nakapagbawas-bawas ako ng bagahe.

Moral of the story:

ab7072f654e938b8600f837661faafe3.jpg

 

P.S. Natutunan ko ring:

  1. Kilatisin yung sarili ko, yung paraan ko ng pananalita at kung paano ko pa mas lalong pag-iingatang hindi rin makasakit ng iba. Baka hindi ko alam, ganon rin pala dating ko sa ibang tao.
  2. Mas maging tough, hindi talaga pwede yung lalambot lambot pusong mamon at iiyak iyak na lang palagi sa dog-eat-dog world na to.
  3. Mas maging responsable at attentive sa kalsada (wag daldal ng daldal), sa mga rules of the road at pagmamaneho. Hindi option ang mailagay ang buhay mo, lalo na ang buhay ng iba sa alanganin.
  4. At syempre ang good ol’THINK BEFORE YOU POST!

P.S. eto ang kontrobersyal bidyo. Echos!

blogsignaturesmall

Advertisements

7 thoughts on “Sensitib

Share your thoughts on this!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s