Naiinis ako

Naiinis lang ako sa katotohanang hindi ako totally maging masaya, when it comes to my lovelife. Naiinis ako na dito lang sa blog ko nalalabas yung kasayahan na gustung-gusto kong ipagsigawan sa mundo. Naiinis ako na masyadong strict parents ko, lalung-lalo na yung nanay ko. Naiinis ako, to the point na gusto ko na lang umiyak gabi-gabi kasi alam kong naging mabuting anak naman ako kahit papano pero parang wala pa ring tiwala sa akin mga magulang ko.

Naiinis ako na tinuruan nila kaming maging independent pero kung kailan pa kami tumanda, nagtapos sa pag-aaral, kumuha at pumasa sa board exams, nagsusumikap magtrabaho kahit walang sweldo, doon pa sila naging strict bigla. Hindi naman sa nanunumbat ako pero gusto ko lang malaman nila kung gaano ako katakot sa kanila at takot na masaktan sila kaya simula’t pagkabata, wala akong ginawang kalokohan sa buhay. Naging responsableng anak, kapatid, pamangking, pinsan, apo, kaibigan ako. Ginawa ko lahat ng gusto nila. Nag-aral akong mabuti. Inalagaan ko yung lola ko nung mga panahong hindi nila kayang alagaan yung nanay nila dahil may mga sarili silang trabaho. Tumutulong ako sa mga gawaing-bahay lalo na kapag namalansta si manang at wala nang iba pang maghuhugas ng pinagkainan.

Nung mga panahong gusto ko nang sumuko sa course ko, sinunod ko pa rin sila at tinuloy ‘to hanggang sa makapagtapos kasi kahit nawawalan na ako ng pag-asa, yung feelings, mga sakripisyo at reputasyon nila sa trabaho yung inaalala ko. Nung gusto kong kumita panandalian habang naghihintay sa resulta ng board exams at mag-apply sa call centers, hindi nila ako pinayagan, sinunod ko sila. Nung gusto kong mag-apply katulad ng kaibigan ko bilang nurse receptionist sa isang Medical City satellite clinic at hindi sila pumayag, sinunod ko sila. Nung gusto kong mag-apply bilang interpreter for the deaf na may higit kumulang 20k na panimulang sweldo at hindi sila pumayag dahil nahihiya sila sa mga ka-opisina nila, sinunod ko sila.

Hanggang kailan ako magiging ganito? Alam kong labag sa 10 Utos ng Diyos ang sumuway sa mga magulang, pero kahit kailan, hindi ako sumagot pabaling sa kanila. Hindi ako gumawa ng bagay na ikapapahiya nila. Hindi ako gumawa ng mga iresponsableng bagay at mga desisyon sa buhay. Alam ko sa sarili ko na naging mabait akong tao at utang ko yun sa kanila, pero hanggang kailan ako magiging ganito? Yung walang sariling desisyon, yung walang kontrol sa buhay. Oo alam ko pagdating sa maliliit na desisyon tulad ng pamimili ng damit, kurso, sa kurtina sa kwarto, kami ang nasusunod, pero paano naman yung mga bagay na gusto naming gawin sa buhay? Hindi ba mas matututo kami sa buhay kung hahayaan nila kaming madapa at bumangon ulit? Hindi ko lang matanggap na sobrang respeto ko sa inyo, nawawalan na ako ng kumpyansa sa sarili, hindi dahil minamaliit nila kami (kung suporta lang ang pag-uusapan, sobra-sobra ang binibigay nila, kaya’t nagpapasalamat ako para doon), kundi dahil hindi sila nagtitiwala sa mga desisyon na ginagawa namin.

Madami akong gustong subukan sa buhay. Madami akong plano at mga pangarap pero hangga’t wala akong naibabalik sa kanila, hangga’t wala akong napapatunayan sa buhay, wala akong karapatang gawin yung mga bagay na gusto ko. Alam kong hindi kami mayaman at kailangan kong kumita sa lalong madaling panahon. Alam kong pagod na sila sa kakatrabaho. Alam kong madami silang inaalala tulad ng bayad sa bahay, sa pagpapagamot ni lola, pero paano naman kami? Ayokong maging makasarili kaya hanggang kaya ko pang tiisin, gagawin ko. Hangga’t kaya ko pang ilihim yung mga bagay tulad ng pag-ibig (na sobrang nakapagpapasaya sa akin na walang katulad), gagawin ko, mapasaya ko lang sila, dahil mahal ko sila. Sana dumating yung panahon na tanggapin nila yung mga desisyon ko sa buhay hindi dahil anak nila ako at wala silang choice, kundi dahil mahal nila ako at masaya silang masaya ako.

Sana dumating yung panahon na matanggap nilang matanda na ako at pwede na rin akong magmahal at may paninindigan ako sa relasyong pinasok ko. Sana matanggap nila na bukod sa pagmamahal nila, ng mga kapatid, kamag-anak at mga kaibigan, kailangan ko rin ng pagmamahal ng isang lalaking alam kong hindi ako lolokohin at sasaktan. Hindi naman pwedeng puro na lang puro bahay at trabaho na lang iniisip ko. Paano ko ba makakamit yung “Self Actualization” sa Maslow’s Hierarchy of Needs kung hindi ko muna makakamit yung “Love and Belongingness” diba?

Gusto ko lang umiyak sa Diyos na sana kampihan Niya kami at pakibatukan lang yung mga magulang ko. Mahal na mahal ko sila pero sana intindihin nila na hindi ako nagrerebelde at kahit kailan hindi ko gagawin yun. Masyado na akong matanda para doon. Kung sila, nagpakilala lang sa lolo kong sundalo nung malapit na silang magpakasal, sana maintindihan nila kami. Mabait sila kung mabait. Wala akong mairereklamo sa ugali nila at pakikisama sa ibang tao. Maraming nagmamahal sa kanila pero sana, sana, sanaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa, alam niyo na…. 😦

 

Advertisements

Share your thoughts on this!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s